"SI MISS PHATHUPATS"

(Here is the Tagalog translation by Lourdes H. Vidal of the prose "I Miss Phathupats" of Juan Crisostomo Sotto.)


Magbalik sa orihinal na teksto.
Go to the English translation.

x-----------------------x

Si Miss Phathupats
isinulat ni Juan Crisostomo Sotto
isinalin ni Lourdes H. Vidal

Punong puno ng kolorete ang mukha ng dalagang si Miss Yeyeng. Sabi nila ipinanganak ang kanyang mga magulang sa sulok ng Pampanga, sa pinakamaliliit na bayan nito. Dahil dito Pilipina si Miss Yeyeng mula ulo hanggang paa, at kahit sa kadulu-duluhan ng kanyang buhok, Kapampangan siya.

Dahil mahirap lang sila, pagtitinda ang ikinabubuhay. Nakikita si Miss Yeyeng na sunong ang ginataan o kaya bitso-bitso na inilalako niya sa mga sugalan. Nagdalagang walang pagbabago sa buhay nitong binibini.

Natapos ang rebolusyon. Nagbukas ng paaralan ang pamahalaang militar ng America at dito pinagturo ang mga sundalong Americano. Nangyaring si Miss Yeyeng pa noo, ala ang binibini, ay nagkaroon ng suking sundalo. Inakit ng sundalong mag-aral ang dalaga sa paaralang kanyang pinagtuturuan upang magkaintindihan sila. Sa kanilang pag-uusap, nag-iingles ang sundalo, nagkaka-pampangan si Miss Yeyeng, kaya napilitan siyang mag-aral.

Pagkaraan ng ilang buwan, nagsasalita na ng ingles si Miss Yeyeng, paglipas ng walong buwan, sa amuki ng gurong kawal, ipinahatid siya sa isang bayang kung siya pinagtuturo.

Noong nagtuturo doon, pinahinga niya ang taumbayan dahil nakikita niyang mas marunong siya ng ingles kaysa sa kanila.

Ganyan lumipas ang panahon. Halos hindi na nagsalita si Miss Yeyeng ng kapampangan dahil sabi niya ay nakalimutan na niya. Matigas daw ang kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila, kaya kalianman hindi na siya makapagsalita ng tuwid at nauutal siya.

Nagkalabitan ang mga maalam na nakakakilala sa kanya pagkarinig nito. Pinalitan tuloy ang kanyang pangalan at pinangalanan siya ng matunog at umaalingasaw na “Miss Phathupats,” pangalang hango sa malapad niyang balakang na pilit na iniipit sa pahang mahigpit na ginamit niya, kaya ala siyang iniwan sa patupat o suman sa ibus na mahigpit ang balot.

Magmula noon ito ang pangalang ibinansag sa kanya at nakalimutan nilang tuluyan ang Yeyeng, ang malambing niyang palayaw. Ang Miss Phathupats ang naging palasak.

Ganito nang ganito ang buhay. Hindi nagtagal lumabas ang Ing Emangabiran, pahayagang Kapampangan sa Bacoor. Sa isang pista o belada sa bayang X, na kung saan dumalo si Miss Phathupats, binabasa ito. Lumapit siya, ngunit nang makita na Kapampangan ang binabasa, lumabi ng kunti, umiling at nagsabi.

“Mi no entiende el Pampango”

“Mi no entiende ese Castellano, Miss,” sabi naman ng isang sutsot, ginagad ang kanyang tono.

Napangiti lahat ng nasa umpukan: at sapagkat may pinag-aralan sila, hindi na nila ipinakita ang pagkakaali nila sa binibini. At ito namang babae kahit alam na parang tinutukso na siya ay nagpatuloy din at nagsabi:

“Sa katunayan, totoong nahihirapan na akong bumigkas ng Kapampangan lalo na kung binabasa ko.”

Dito sa iilang salitang binigkas niya, sumama lahat ng iba’t ibang wika na talasalitaang bulgar ng Ingles, Kastila. Tagalog na pinaghalu-halo niya nang walang kawawaan. Hindi na nakapagpigil ang mga nakarinig; napatawa sila ng malakas.

Nagalit si Miss Phathupats, hinarap ang mga tumatawa at sabi niya:

“¿Por qué reír?”

“Por el tsampurado, Miss,” sabi ng unang sumagot.

Lalong lumakas ang halakhak ng mga nakikinig at nag-init ang pakiramdam ni Miss Phathupats.

Isa sa mga nakatayo ang nagsabi ng ganito.

“Hindi kayo dapat magtaka kung hindi na marunong ng Kapampangan si Miss Phathupats: Una, dahil matagal na siyang nakisama sa mga kawal na Americano: pangalawa, hindi na siya Kapampangan, katunayan Miss Phathupats ang kanyang pangalan.”

Noon na sumabog ang bulkan. Putok na ubod nang lakas, sumabog ang kaldero ni Miss Phathupats at mula sa bunganga niyang naglalawa lumabas ang lagablab ng Vesubiyo o ang lahat ng maruming salita sa Kapampangan, bigla niyang pinagsama-sama sa nag-aapoy na bunganga.

“Walang hiya! Magnanakaw! Taga-lason! Anak-!” sabi sa tinurang wikang Kapampangan.

“Aba, Kapampangan pala siya!” sabi ng mga nakarinig.

“Oo, hindi ba ninyo alam?” sabi ng nakakakilala sa kanya. “Anak siya ni matandang Godiung Kakbung na aking kanayon.”

Napahalakhak nang malakas ang mga nanonood. Napaiyak na si Miss Phathupats at sa pagpupunas sa kanyang tumutulong luha sumama ang makapal niyang pulbos sa pisngi. Lumitaw ang likas niyang kulay, maitim pa siya sa duhat. Nang Makita ito ng mga nanonood lalo na silang napatawa at nagsabi:

“Aba! Maitim pala siya!”

“Oo, Americanang negra siya!”

Sigawan, palakpak, halakhakan ang narinig noon. Hindi na nakatiis si Miss Phathupats. Nagkandarapa sa paglabas sa daan at sabi niya:

“Mi no vuelve en esta casa.”

“Paalam, Miss na hindi marunong ng Kapampangan!”

“Paalam, Miss Alice Roosevelt!”

“Paalam, Miss Phathupats!”

Ganyan siyang pinagtutulung-tulungan, at ang kawawang Yeyeng ay umalis na bubulung-bulong na parang ulol.


Napakarami ng mga Miss Phathupats sa panahon ngayon. Hindi na sila marunong ng Kapampangan o ikinakahiya na nila ang Kapampangan dahil nakakapagsalita na sila ng Ingles na tsampurado. 

Comments

Popular posts from this blog

"MISS PHATHUPATS"

Y MISS PHATHUPATS