LA CASA ROJA EN CALLE PLATERIA: Una Prosa de Tragedia
Noon daw sa tuwing sumasapit ang araw ng Traslación, sinasabi nilang may isang bahagi ng calle Platería kung saan ang pilak na andas ng Señor ay unti-unting bumibigat at sumasadsad sa lupa sa tuwing tumatahak ang prusisyon sa kalyeng ito. Matagal na panahong nagpasalin-salin ang kwentong ito sa mga henerasyon ng mga deboto ng Nazareno at maraming nagpapatotoong hindi ito kathang-isip lamang. Sabi nila, sa isang sulok ng calle Platería may isang pamilyang minsan nang nanirahan doon na naging dahilan nitong kamangha-manghang pangyayari: at namuhay sila sa tinatawag nilang “bahay na pula.” Taun-taon sa dakong dating kinatayuan ng bahay sumasadsad at bumibigat ang andas ng Nuestro Padre Jesús Nazareno, at pinanggigilalasan ito ng mga deboto. Ano kaya ang dahilan ng mga bagay na ito? Anong hiwaga kaya ang inililihim ng minsang tinatawag nilang “casa roja?”
Isa ang calle Platería sa mga nakaaalwan ngunit laging abalang bahagi ng Maynila, kung saan nagtatagpo ang mga arrabales ng Quiapo at Santa Cruz. Dito maraming mga tindahan at gusali, ngunit pinakadinarayo noon dito ang mga platería o bahay-gawaan ng pilak; marahil maaaring alahas sa katawan o kaya mga ofrendang inihahandog sa mga santong patrón. Ang mga taong nagdaraan dito ay manhik-manaog sa mga cascos sa ilog Pásig upang makabili at maakapagbili. Bawat isa rito ay may sariling pinagkakaabalahan. May nagsusunong ng bilao at nagtitinda ng isda, pindang o kaya’y kakanin. Mayroon sa kanilang inilalatag sa banig ang mga ipinagbibili nilang magagandang sapatos at ang pinakamatitibay nilang pantukos. Sa nasabing kalyeng ito minsang nakatayo ang tahanan ni señora Ofelia Dimaranan, viuda ni Soliman, at kasama niyang nanirahan dito ang kaniyang solong anak na si Darío, na kilala noon sa Quiapo sa mga nakaaabalang bagay-bagay na kaniyang kagagawan. Magkagayunpaman, mahal na mahal siya ng kaniyang ina at hindi tumitigil sa pagsamba-luhod sa simbahan ng Señor at araw-gabing tumatawag sa maawaing Jesús sa pagasang diringgin ang kaniyang hibik at panambitan. Balo si Ofelia sa kaniyang asawa, ilang taon nang nakararaan nang ito’y mamatay sa cólera. Ikinasal sila sa simbahan ng Quiapo at siyang kaloob na pagpapapala ng Señor sa kaniya dahil sa walang-tigil niyang pagdarasal. Nakilala niya ang kaniyang napangasawa mula sa pagtitinda ng sombrero sa calle Platería, at buhat noon, umalwan ang kaniyang kapalaran dahil sa naging asenso ng kaniyang asawa sa pagnenegosyo ng alahas. Kaya naipundar nila ang isang simple ngunit kaygandang bahay na tiza roja y mampostería, na sa kalauna’y binansagan ng mga tao bilang “casa roja” o pulang bahay.
“Compadres!... Mga binata!... Sombrero kayo diyan!...”
Bagaman guminhawa na, hindi pa rin kinali-limutan ni Ofelia ang dukhang buhay na kaniyang pinagbuhatan. Nagtitinda pa rin siya ng sombrero sa tapat ng kanilang bahay o kaya’y inilalako sa mga labas-masok na sumasamba sa loob ng simbahan, lalo na kung araw ng viernes. Kung pagmamasdan siya ngayon, hindi mapaghahalataang isa siyang mayamang mujer. Ang suot niyang barong hinabi sa sinamay at dalawang simpleng manggas, ang sáya niyang panay lamang kulay marrón o kaya’y kupas na pula. Kung siya ma’y magsusuot ng pañuelo ay sa tuwing araw lamang ng viernes o kapag siya’y nagsisimba. Noong bata pang maliit itong si Darío, karuy-karoy niya ito sa paglalako o kapag dadalaw nila ng simbahan pagkatapos nilang mamalengke. Si Darío naman, napanonood niya kung paano sumusugal ng kabuhayan ang kaniyang ina kahiman maalwan na sila, at kapag naglalakad ito nang paluhod sa santuario at humihibik sa Panginoon. Kaya kung titingnan natin, natanim na sa kaniya ang pagmamahal at takot sa Diyos at ang katotohanan ng kahirapan sa buhay. “Tatandaan mo anak ko, huwag mong katatakutang maghirap, dahil galing tayo sa hirap.” Ang mga salitang ito ng kaniyang ina ay gumuhit na sa isip niya dahil sa tuwing maglalako sila, lagi itong sambit sa kaniya, pati na ang chismis na ibinabalita ng mga comadres ng nanay niya. Ngunit ang talagang ‘di niya malilimutang salita ay sa tuwing inila-labas ang Señor, nakikipag-unahan pa siya sa pagsigaw: ¡Viva! ¡Viva! ¡Viva!...
Mabilis dumaan ang mga panahon. Ang bunga ng katatapos pa lamang na Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay dama pa rin ng mga tao ngayon. Mahirap at mailap ang kabuhayan. Binata na ngayon si Darío. Kasalukuyang nag-aaral sa San Juan de Letrán at tuwing gabi, taga-piano siya sa Teatro Tres Rosas, isang teatrong bodabil malapit sa Bambang. Kaylaki ng kaniyang ipinagbago, mula sa isang madasaling paslit hanggang naging isang vagamundo: halos nakalimutan na ang dating siya. Madalang na lamang magrosaryo, hindi na rin halos nagsisimba kapag linggo. Kung noon mga cofrades del Nazareno ang kaniyang mga kasa-kasama, ngayo’y kaydalas niyang mag-uwi ng iba’t ibang babae sa bahay nila. Napakalayo na sa dating siya. Ngunit anong magiging dalma ng kaniyang ina, kung hindi manalangin at aralan ang kaniyang anak na tumitiwalag sa marapat. Tila baga isa siyang Santa Mónicang naghihintay ng ikapagbabalik-loob ng kaniyang anak. Kung aari lamang na ihahandog niya bilang pagaamu-amo ang lahat ng misa sa mga altares ng simbahan sa ikapagbabago lamang ng anak niya. Lubhang kaylungkot ni Ofelia sa naging kalagayan ng kaniyang anak. Noong minsan inanyaya niya itong magsimba, sagot nito sa kaniya, “Ikaw na lamang, inay. Hindi panlalaki ang pagsisimba!” Kulang na lamang ay mabasag ang kaniyang puso sa sagot ng anak. Ngunit hinayaan na niya lamang ito sa gusto niya. “Mahal na Señor, Kayo na po ang bahala.” Kailan kaya magbabagong-loob ang anak niya?
8 de enero, año mil novecientos cincuenta…
Vísperas ng Traslación. Panahon na naman ng panunulakan ng marami sa mga deboto ng Señor Nazareno. Kahit na nagpapatuloy ang pagpapagawa ng bago nitong simbahan, marami pa ring tunay ang amg sumasadya ng pagdalaw sa Nuestro Padre. Unti-unti ay parami nang parami ang mga nagpu-punta ng Quiapo upang magpahayag ng pananampalataya. At katulad ng dati, bihis na bihis si ñora Ofelia ng bagong almirol niyang terno. Maaga pa’y gising na siya upang magtungo ng simbahan. Maliwanag na maliwanag sa mga ilaw ng arañas ang buong simbahan dahil bukas, Traslación na. Sa may rehas ng comulgatorio siya napuwesto dahil puno na ang simbahan sa mga debotong nagsisimba. “Et benedícat vos omnípotens Déus…” Huling bendición. Naglalakad na pauwi si ñora Ofelia nang marinig niyang may kaguluhan sa bahay nila. Inaawat pala noon ng mga kapitbahay ang kaniyang anak, na noo’y lasing galing ng avenida Rizal. Kagyat naman noon ay pinuntahan niya si Darío, na tangkang magbaril sa kaniyang sarili. Agad namang inagaw ni ñora ang pistola sa kamay ng anak niya, ngunit nagpumilit si Darío, kaya’t nag-agawan sila. Dahil sa pagpupumilit niya, patungo sila sa escalera ng bahay at, dahil hindi na niya makaya, napabitaw ang kaniyang ina at sa pagkatisod nito sa baitang ng mataas na hagdanan, sumungaba siya hanggang siya’y nagpagulung-gulong hanggang sa ibaba ng hagdanan. Pinuntahan naman agad ni Darío ang kaniyang ina, ngunit nang mapiho niyang wala na itong buhay, binitiwan niya ang baril sa kaniyang kamay at niyakap niya ito. “Inang ko!... Inang!..” ang tangis niya habang kalung-kalong ang kaniyang ina. Ngunit kahit anong pag-iyak niya, hindi na niya maibabalik ang buhay nito habang umaagos ang dugo mula sa nabagok nitong ulo. Oh kalungkut-lungkot na eksena ng Pietà. Ngunit ang anak ngayon ang nananangis sa kaniyang ina…
Araw na ng Traslación at handa nang dumaan ang andas ng Nazareno sa calle Platería. Nakasindi ang lahat ng ilaw sa casa roja. Noong mapatapat na rito ang Señor, napansin ng mga mamamasan na bumibigat unti-unti ang andas hanggang sa hindi na nila ito mabuhat. Dali-dali nilang binitawan ang andas, habang nakamasid ang lahat sa casa roja. Tila parang nais sulyapan ng Señor ang yumaong debotong nakaburol sa bahay na iyon. Ilang minuto na ang lumilipas ngunit hindi pa rin gumagaang ang andas. Ang mga tao noon nama’y naghiyawan: ¡Viva! ¡Viva! ¡Viva! Tinabunan na ng sigawan ang iyakan sa loob ng casa roja. Hanggang sa gumaang na muli ang andas at nagpatuloy na sila sa paglakad.
At buhat noon, taun-taon nang naulit ang eksenang ito, hanggang sa nagbago na ang ruta. Wala na ngayon ang mga pilak sa calle Platería. Naglaho na rin ang casa roja, ngunit hindi ang alaala ni Ofelia, at ng sutil na anak niya…—Sinulat ni S. M. Amamangpang
Comments
Post a Comment